Education Sec Sonny Angara
Education Sec Sonny Angara

LEGAZPI CITY-Suportado ni Department of Education Secretary Sonny Angara ang panukalang batas ng Alliance for Concerned Teachers na P50,000 minimum na suweldo para sa mga guro.


Ayon kay Alliance for Concerned Teachers Chairperson, Vladimir Quetua, sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi, suportado ng kalihim ang muling pagsusumite ng salary bill ng mga guro sa Senado.


Aniya, mahalaga ang panukala dahil sa patuloy na pagtaas ng presyo ng petrolyo at mga bilihin at dahil na rin sa matagal na ito at patuloy na nangangako ang mga nakaraang administrasyon hinggil dito.


Idinagdag ni Quetua na apat na taon, batay pa rin sa executive order no. 64 ang suweldo ng mga guro at napagiiwanan na din sila.


Sinabi pa ng opisyal na kung may pagkakataong maging batas, may mga limitasyon ayon kay Secretary Angara, na maaaring magkaroon ng financial constraints, na maaari ring makaapekto sa suweldo ng ibang manggagawa.


Napag-usapan din nila na maghain ng ilan pang panukala kabilang na ang performance bonus, 45 minutong pagtuturo, at health maintenance organization (HMO) ng mga guro.


Magsusumite rin ang partido ng petisyon sa kanilang kampanya para mapirmahan at masuportahan kabilang na ang mga kongresista, mga partido, at lahat ng guro sa buong rehiyon ng Bicol.