Posibleng parehong ruta ang dinaanan ni dating presidential spokesperson Harry Roque at Alice Guo upang makatakas ng Pilipinas, ayon sa Bureau of Immigration (BI).
Ito ang inihayag ni BI Commissioner Joel Anthony Viado sa pagdinig ng Senate Committee on Justice and Human Rights kung saan aniya posibleng tumakas ang dalawa sa pamamagitan ng backdoor exit sa Tawi Tawi.
Mas lumakas ang paniniwala ng ahensya na sa Tawi-Tawi dumaan si Guo para makatakas ng bansa dahil base raw sa 14 airports at seaport heads nila, hindi dumaan si Guo sa kahit anong airport nang umalis sya ng Pilipinas noong Hulyo 2024.
Wala rin aniyang makuhang ebidensya sa ngayon ang BI na may binayaran si Guo na immigration officer para makatakas ng bansa.
Samantala, ayon kay Viado, ang sinumang makapangyarihang indibidwal na sinusuportahan ng mga Pogos o pinopondohan nito ay madaling makatatakas sa ating border at makapapasok sa mga kalapit na mga bansa ng Pilipinas.
Dagdag nito, mahirap para sa Bureau of Immigration na ituro ang eksaktong paliparan o daungan na ginamit ng pogo upang tulungan si Roque at Guo na makatakas ng bansa.
Magugunitang pinaniniwalaang gumamit ng Tawi-Tawi backdoor sina Alice Guo at ang kanyang mga kapatid na sina Shiela at Wesley upang makatakas ng Pilipinas.
Ito ang ibinunyag ni National Intelligence Coordinating Agency (NICA) Director Ferlu Silvio sa pagdinig ng komite noong Marso 4.
Ayon kay Silvio, na-monitor din ng NICA ang paglalakbay ni Roque mula Zamboanga patungong Tawi-Tawi noong Setyembre 2, 2024.
Aniya, matapos mapunta si Roque sa Tawi-Tawi, wala nang ibang lumabas na impormasyon.
Si Roque ay mayroong outstanding arrest warrant mula sa House of Representatives matapos itong i-cite for contempt at ipag-utos na ikulong dahil sa kabiguan ni Roque na magsumite ng mga dokumento na may kaugnayan sa umano’y pagkakasangkot niya sa illegal na POGO.