LEGAZPI CITY – Ipinagmamalaki ngayon ng mga Bicolano ang isang atleta na napiling sumabak sa international running event sa ibang bansa sa darating na Nobyembre.

Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay Roy Laudit na tubong Sorsogon at kasalukuyang nag-aaral sa University of the Philippines, puspusan na ang kaniyang ginagawang paghahanda para sa dadaluhang running competition lalo pa’t maraming mga magagaling na atleta ang maglalaban-laban mula sa iba’t-ibang bansa.

Subalit hindi pa rin malinaw kung saan ang magiging venue ng kompetisyon na pinagpa-planuhan pa ng mga organizers kung isasagawa sa South Korea o sa Thailand.

Napag-alamang nakapasok sa kompetisyon si Laudit matapos magtapos sa ikatlong pwesto sa 21 km category running competition sa Manila.

Aminado si Laudit na hindi pa makapaniwala sa nakuhang malaking oportunidad lalo pang ito ang kanyang pinakaunang pagkakataon na makasabak sa international competition.

Samantala, pinasalamatan naman ang kanyang coach na si Allan Ballertes, mga teammates, mga kaibagan, at kamag-anak na patuloy sa pagsuporta sa napiling karera sa buhay.