LEGAZPI CITY – Magpagawa na lamang ng sariling kalsada ang mga quarry operators sa pagbiyahe ng mga aggregates na ikokonekta sa national road.
Kaugnay ito ng ibinabang Executive Order No. 32 at supplemental EO No. 34 ni Rosal na nagbabawal sa mga mas malalaki pang truck sa 10-wheeler vehicles na dumaan sa ilang municipal, city at barangay roads sa lalawigan.
Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay Governor Noel Rosal, nagpapadisenyo na umano ito kay Provincial Engineer Clemente Ibo ng kalsada na magsisilbing-opsyon para sa pagdaan ng mga naturang uri ng truck.
Matagal na umanong nagrereklamo ang ilang LGU na maraming nasisirang kalsada na hindi kinakaya ang load capacity ng malalaking trucks na nagkakarga ng mga quarry materials.
Ayon kay Rosal, dapat nang maghanap ng kalsada na pwedeng idugtong sa mga bago nang provincial road na may kapal na 15 pulgada at kakayanin ang bigat ng mga naturang truck.
Tiyak na umano kasing masisira ang mga dadaanang kalsada kung manipis at hindi nakadisenyo sa mga 10-wheeler trucks o mas malalaki pa.