LEGAZPI CITY- Unti-unti ng nararamdaman ang dagsa ng mga biyahero sa Matnog port sa Sorsogon kaugnay ng pagsisimula ng Semana Santa.

Ayon kay Matnog Port Acting Division Manager Achilles Galindes sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi na kasabay ng Palm Sunday kahapon ay naitala na ang nasa 1,000 na mga pasahero mula sa pantalan ng Matnog patungo sa Visayas habang mahigit sa 3,000 na mga rolling cargoes naman ang tumawid patungo sa Visayas.

Mas mataas na umano ito kumpara sa normal na 500 na mga pasahero at rolling cargoes na naitatala kada araw.

Subalit aminado ang opisyal na inaasahan na mas lolobo pa ang naturang bilang simula sa Martes Santo hanggang Huwebes Santo na inaasahang pagsisimula ng bakasyon mula sa trabaho.

Kaugnay nito ay siniguro ni Galindes na mahigpit ang pagbabantay ng mga kinauukulan simula sa labas ng pantalan upang walang makalusot na iligal na droga at iba pang iligal na kontrabando.

Paliwanag nito na nakipag-ugnayan sila sa iba’t ibang ahensya ng pamahalaan upang ma-monitor ang mga papasok na pasahero at rolling cargoes.

Samantala, sinabi ng opisyal na may sapat na Roro vessels na ba-biyahe sa buong Semana Santa upang maiwasan ang anumang aberya.