LEGAZPI CITY- Mahigpit ang pakikipag-ugnayan ngayon ng Office of the Civil Defence (OCD) Bicol sa mga response clusters sa gitna ng pagbabantay sa aktibidad ng Bulkang Mayon.
Ayon kay OCD Bicol Deputy spokesperson Karla Thea Omelan sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi, in-placed na ang preparedness measures kung sakaling lumala pa ang aktibidad ng bulkan.
Nakahanda rin aniya para sa deployment ang response cluster agencies kung sakaling kinakailangang magpatupad ng paglikas.
Katunayan, nagtungo na aniya sa kanilang tanggapan ang ilang mga pinuno ng uniformed agencies upang alamin kung ano ang tulong na pwedeng maibigay.
Samantala, nanawagan naman si Omelan sa publiko na iwasan na magdulot ng alarma hinggil sa mga aktibidad ng bulkan dahil science based ang pinagkukunan ng impormasyon ng ahensya.
Hinikayat din nito ang mamamayan na maging kalmado lalo pa kung mag-escalate ang aktibidad ng Mayon volcano.
Samantala sa hiwalay na panayam kay Departmant of Social Welfare and Development o DSWD Bicol Disaster Response Management Division Chief Marites Quismorio, nakahanda ang tanggapan sa pagbibigay ng asistensya sa mga posibleng maapektuhan kung sakaling magtuloy-tuloy ang pag-alboroto ng bulkan.
Sa ngayon ay mayroon ng mga naka-prepositioned na food and non-food items.
Sa katunayan, tinatayang aabot sa 40,000 hanggang 50,000 na food packs ang nasa satellite warehouses ng tanggapan habang nasa P5 million ang standby funds.
Sa kabuuan, nagkakahalaga ng higit P50.9 million ang stokcpile ng ahensya para sa food at non-food items.