LEGAZPI CITY—Sumiklab ang apoy sa isang residential area sa kasagsagan ng selebrasyon ng Kapaskuhan, bandang alas-10 ng gabi noong Disyembre 25, sa Mabini St. Corner Ibañez St. Masbate City.
Ayon kay Masbate City Fire Station Public Information Officer Public Information Officer Fire Officer 2 Mike Tiden Migo, sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi, umakyat sa 2nd alarm ang apoy kung saan agad na nirespondehan ng kanilang mga karatig na istasyon kasabay ang fire volunteers sa iba’t ibang sektor ng ahensya upang maapula ito.
Mabilis aniya na kumalat ang apoy dahil gawa sa light materials at dikit-dikit ang nadamay na mga bahay sa insidente.
Dagdag ng opisyal na walang nasawi sa insidente at maituturing na Christmas fire-related incident ito.
Base naman sa inisyal na imbestigasyon, umabot sa P450,000 ang halaga ng kabuuang danyos ng natupok na lugar, ngunit hindi pa aniya kasama rito ang mga pag-aari ng mismong nasunugan na mga establishimiyento.
Sa kasalukuyan, nagpapatuloy pa ang imbestigasyon ng mga otoridad sa naging sanhi ng insidente.











