LEGAZPI CITY- “Halos makisalo na sa pagkain o maging sahog sa nilulutong ulam”, ganito inilarawan ng ilang mga residente sa Brgy San Ramon Daraga Albay ang problema nila sa sandamakmak na langaw.

Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay Leo Montales, isa mga nagrereklamong mga residente, umaabot na sa puntong kailangan nilang kumain sa loob ng kulambo upang makakain ng maayos, dahil kung hindi aniya, paniguradong makakasama sa kada subo ang mga pesteng langaw.

Ang tinuturong ugat ng problema ang isang manukan sa Sitio Tugos sa barangay Mayon sa kaparehong bayan.

Ani Montales, halos isang taon na silang nahihirapan sa sitwasyon ngunit hanggang ngayon ay wala pa ring aktuwal at solidong aksyon, sa kabila ng ilang beses na nilang panawagan.

Sa ngayon, madaming mga residente na rin ang nangangamba sa mga mikrobyong dala ng mga langaw na posibleng magdala ng iba’t-ibang mga sakit.

Dagdag pa ng mga residente hindi lamang sa Barangay San Ramon, Mayon, Villahermosa at sa Relocation site ang napeperwisyo ng sitwasyon kundi maging sa mga katabi pa nitong mga barangay, kabilang na ang Brgy Magogon sa bayan ng Camalig, at Brgy Naspi sa probinsya ng Sorsogon ay nakararating na rin ang mga langaw.

Sobrang nagpapahirap aniya ang sitwasyon dahil maliban kailangan pang magtago sa loob ng kulambo upang makakain ay napipilitan ding magsuot ng mahahabang damit kahit pa mainit ang panahon para makaiwas sa impeksyon.

Samantala umaasa ang mga residente ng mga apektadong lugar na bibisita mismo ang Mayor ng Daraga na si Mayor Awin Baldo upang makita ng personal ang kinakaharap nilang problema.