Photo from Max Brobio

LEGAZPI CITY – Nadagdagan pa ang mga lugar sa iba’t ibang bahagi ng Pilipinas na naglagay ng community pantry na nilalayong makapaghatid ng tulong sa pinakanangangailangan ngayong may pandemiya.

Sa Barangay Bogñabong, Tabaco City, inilunsad rin ni Max Brobio ang isang pantry na may mga bagong aning gulay.

Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay Max, na-inspire umano siya sa viral posts sa social media kaugnay ng Maginhawa Community Pantry kaya’t naisipan ring gumawa ng kaparehong pantry lalo pang maraming residente sa lugar ang nangangailangan ng tulong dahil sa pandemya.

Unang naglagay nito sa kanilang barangay ang kapatid na si Sheila Brobio at ngayon siya na rin ang namamahala nito.

Galing sa mismong bulsa ni Max ang perang ibinibili ng mga bagong aning gulay ng mga magsasaka sa Barangay Buang na libreng ipinamimigay sa mga residente.

Ayon kay Max, labis na ikinagagalak na maraming tumutulong sa naturang programa kung saan sa loob lamang ng apat na oras, ubos na agad ang 250 kilos ng gulay na inilagay.

Sa ngayon, may ilang guro at indibidwal rin ang nagpahayag ng suporta sa community pantry ni Max at nangakong magdo-donate ng mga pagkain.