LEGAZPI CITY- Hindi na nag-atubiling lumikas ang ilang mga residente sa Barangay Busay sa bayan ng Daraga, Albay matapos silang abisuhan ng lokal na pamahalaan.
Ayon sa isa sa mga lumikas na si Gina Villa sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi na agad silang sumunod dahil na rin sa pagkabahala sa epekto ng bagyong Ada na nakadagdag pa sa panganib ng kasalukuyang nag-aalburutong bulkang Mayon.
Kwento nito na noong panahon ng bagyong Reming ay natabunan ng lahar ang kanilang bahay.
Naulit pa umano ang naturang trahedya noong panahon ng bagyong Rolly kung saan ang kanilang nilipatan na bahay ay muling natabunan ng lahar flow.
Aniya, hindi maiaalis ang kanilang pagkabahala lalo pa at nasa alert level 3 ngayon ang bulkang Mayon.
Matatandaan na una na ring nagpalabas ng lahar flow advisory ang Philippine Institute of Volcanology and Seismology dahil sa mga pag-ulan na dulot ng bagyong Ada.











