LEGAZPI CITY- Nanindigan si Catanduanes Governor Boboy Cua na hindi pa ligtas para sa mga rescuers na magsagawa ng rescue operations dahil sa malakas na hangin sa lalawigan.

Ito ay sa gitna ng ilang panawagan ng mga residente ng tulong matapos umanong bahain ang kanilang mga lugar o maapektuhan ang kanilang mga tahanan.

Matatandaan na nag-landfall na rin ang super typhoon Pepito sa bahagi ng Panganiban, Catanduanes.

Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi sa gobernador, sinabi nitong maagang nagpatupad ng pre-emptive at forced evacuation kaya hindi rin nagkulang sa abiso ang pamahalaang panlalawigan sa mga residente.

Umaasa naman si Cua na sa susunod na dalawang oras ay kakalma na ang panahon sa island province upang matulungan ang mga nananawagan ng rescue.