LEGAZPI CITY- Tahasang pinangalanan ni ACT Teachers party-list Representative France Castro na ang mga Duterte umano ang nasa likod ng ethics complaint na isinampa laban sa kaniya ng isang indigenous peoples group.

Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi sa naturang mambabatas, sinabi nito na bahagi na naman ng harassment ang naturang hakbang laban sa kaniya.

Matatandaan na legal counsel ng naturang grupo si Atty. Israelito Torreon, na abogado ni Pastor Apollo Quiboloy.

Ayon kay Castro na tila pagganti umano ang naturang reklamo dahil sa pagbusisi ng kongreso sa confidential funds ni Vice President Sara Duterte at pagsasampa ng impeachment complaint laban dito.

Itinuturing ng mambabatas na personal na pag-atake ang ginagawa sa kaniya kaya kumpiyansa ito na hindi papatulan ng ethics committee ang naturang reklamo.

Nais lamang aniya siya siyang patahimikin sa ginawa nilang pagsisiyasat laban sa ika-lawang pangulo.

Samantala, handa naman ito na harapin ang complaint kung sakaling ipapatawag umano siya ng komite.