LEGAZPI CITY – Pinatunayan ni 2019 Bar Examinations topnotcher Mae Diane Azores na hindi hadlang bagkus nagsilbi pang inspirasyon ang pagkakaroon ng nobyo sa pag-abot ng mga pangarap.

Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi, inilahad ni Azores na isa sa mga pinanghugutan ng lakas ng loob sa pagsusulit ang nobyo nito, bukod pa sa mga magulang at nag-iisang kapatid.

Hindi na rin binanggit ni Azores kung ilang taon na silang magkarelasyon subalit isa umano ito sa mga naniwala na kakayanin niyang manguna sa Bar exams.

Mistulang nagdilang-anghel umano ang nobyo nang matupad ang tinawag nitong “sagad na sa pangarap” na tagumpay sa 91.049% rating.

Sa kabila nito, hihintayin rin muna umano ni Azores na makapasa sa Bar exams ang nobyo na kumukuha rin ng kursong Abogasiya habang hindi pa napag-uusapan ang pag-“settle down”.

2019 Bar Examinations topnotcher Mae Diane Azores