LEGAZPI CITY – Suportado ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) Bicol ang pagsasabatas ng panukala na naglalayong ihiwalay ang mga heinous crime convicts sa regular na mga preso.
Ayon kay PDEA Bicol Director Christian Frivaldo sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi, dapat nang ma-decongest ang New Bilibid Prison (NBP) upang maiwasan rin ang patuloy na paglaki ng network ng sanga-sangang kriminalidad at iligal na transaksyon.
Mistula kasi aniyang nagsisilbing akademya ng mga masasamang elemento ang NBP, partikular na sa transnational crimes, na maiiwasan sana kung maglalagay ng regional penitentiaries.
Paliwanag pa ng PDEA official na karaniwang nangyayari na papasok ang isang preso sa mas mababang kaso subalit kabit-kabit na ang kabatiran sa krimen sakaling makalabas man sa nasabing pasilidad.
Naniniwala si Frivaldo na malaking tulong sa mga preso kung may tamang programa, rehabilitasyon at reformation upang hindi kumagat sa ano mang uri ng korapsyon.