LEGAZPI CITY- Aminado ang isang election watchdog na bahagi ng kondiserasyon sa mga kandidato ang kalayaan sa pagpapahayag ng opinyon.
Ito ay kasunod ng pahayag ng Commission on Elections na pinahihintulutan ang negative campaigning.
Ayon kay Kontra Daya Convenor Danilo Arao sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi sa kabila nito ay kinakailangang mabigyan ng linaw kung anong uri ng negative campaigning ang katanggap-tanggap.
Paliwanag nito na mayroong valid na mga kritisismo tulad na lamang ng pagpuna sa mga polisiya ng isang kandidato o partido.
Subalit iginiit ni Arao na hindi dapat mabigyang daan ang negatibong pangangampanya na gumagamit ng red tagging laban sa isang indibidwal.
Aniya, ang red tagging ng walang basehan ay isang uri ng disinformation na maaaring magdulot ng masamang epekto sa isang indibidwal.
Samantala, sa panahon ng kampanya ay iginiit rin ng Kontra Daya ang papel ng media sa pagpapaabot sa publiko ng plataporma ng ilang mga politiko imbes na ang pagtutok sa word war ng ilang mga kampo.