LEGAZPI CITY – Umani ng positibong komento ang walang pag-aatubiling pagtulong ng isang Philippine Red Cross (PRC) Volunteer matapos nitong akyatin ang bubong ng isang bahay na lubog parin sa tubig baha upang pakainin ang stranded na mga aso.
Sa nakalap na impormasyon ng Bombo Radyo Legazpi, ayon sa ahensya sa gitna ng isinasagawang rescue operations ng PRC team sa Camarines Sur ay napansin ng mga ito ang tatlong aso na tila gutom na gutom na sa bubungan ng isang bahay na hindi makababa dahil sa taas parin ng tubig.
Agad itong inakyat ng isang volunteer upang pakainin ng makita sa tabi ang isang sakong pet food. Makikita rin na agad na lumapit ang mga aso habang kumakawag kawag pa ang mga buntot na tila paglalambing upang magpasalamat.
Samantala, binigyan diin ng PRC na hindi lamang tao ang labis na naapektuhan ng bagyong Kristine kundi maging ang mga alagang hayop na naging biktima din ng kalamidad.