LEGAZPI CITY – Nakatakdang isailalim ngayong araw sa rapid test ang mga nakasalamuha ng dalawang panibagong nagpositibo sa coronavirus disease sa Manito, Albay.
Sinabi ni Sangguniang Bayan Committee on Health chairman Municipal Coun. Marilou Dagsil sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi, bukas o sa makalawa inaasahang isasailalim na rin ang mga ito sa swab test.
Nananatili na sa quarantine facility ang mga contacts ni Bicol #359 na driver at mga pasahero ng pampublikong jeepney na nasakyan.
Bumiyahe mula sa Surigao City at isang housekeeper ang naturang pasyente at dumiretso sa terminal ng jeepney sa bayan.
Ayon pa sa konsehal na hindi ito dumaan sa Ligao City kung saan nagpapadala ng mga health team ang lokal na pamahalaan sa pagsundo sa mga ito bagkus nabatid na sa Sorsogon ito nagmula.
Hindi na nito nagawang makauwi sa barangay matapos na maharang sa checkpoint at idiretso sa quarantine facility dahil sa report ng mismong driver ng jeep na tumingin ng manifesto nito.
Maging ang apat pang kapatid at ina ng 10-anyos na si Bicol #367 ang naka-quarantine na rin na pawang may travel history sa Caloocan City.
Samantala, inihayag pa ni Dagsil na nakatakda na ring lumabas sa pasilidad ang ilan pang contacts ng mga una nang COVID-19 postive patients matapos na lumabas na negatibo sa isinagawang pagsusuri.
Pinaalalahanan pa rin ang mga ito na sumunod sa health protocols.