LEGAZPI CITY – Hindi pa rin umano nagsi-sink in sa bagong geodetic engineer at tinawag pang “bonus” ang pagkasungkit ng ikaapat na pinakamataas na pwesto sa October 2019 Geodetic Engineer Board Examination sa rating na 88.00%.
Ibinahagi ni Kim Golbeque sa ekslusibong panayam ng Bombo Radyo Legazpi na makapasa lamang umano ang ipinapanalangin habang kumukuha ng pagsusulit.
Sipag at tiyaga rin umano ang ipinuhunan bilang isang karaniwang estudyante na walang nasungkit na honors nang nag-aaral pa sa kolehiyo.
Labis naman ang pasasalamat nito sa Diyos at sa mga magulang na nagtaguyod sa pag-aaral sa kolehiyo kung saan nabatid na solong anak ito ng isang government employee ang ina at lupong tagapamayapa na ama.
Ayon pa kay Kim na hindi naging madali ang pag-abot sa pangarap dahil sa ilang pagkakataon na muntikan nang bumagsak sa mahirap na kurso.
Kaya’t payo pa nito sa mga kukuha ng kaparehong exam na maging physically, mentally and emotionally ready sa anumang posibleng mangyari.
Sa ngayon, bukas na umano si Golbeque sa pagtanggap ng anumang oportunidad na posibleng kumatok sa pinto. Maliban kay Golbeque, pasok rin sa Top 10 sina Clifford Arimado at Arjay Nuñez ng Bicol University sa ikatlo at ikapitong pwesto.