LEGAZPI CITY – Nagpositibo sa isinagawang random drug testing ang apat na truck drivers na biyaheng Visayas at dadaan sana sa Matnog Port sa Sorsogon.
Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay Land Transportation Office (LTO) Sorsogon chief Grace Rojas, resulta umano ito ng isinagawang random terminals and roadside inspection at random drug testing sa mga tricycle at truck drivers sa kahabaan ng Maharlika Highway papasok sa pantalan.
Isasailalim pa rin sa confirmatory test ang mga nagpositibo habang nai-turnover na ang lisensya ng mga ito sa LTO Irosin para sa karampatang disposisyon.
Pinangunahan ng LTO Regional Office 5 ang nasabing inspeksyon kasama ang ilang tauhan mula sa central office, Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) at PNP-Highway Patrol Group.
Nilalayon nitong matiyak ang ligtas na pagbiyahe at pag-iwas sa mga road crashes.