LEGAZPI CITY- Kinumpirma mismo ng tiyuhin ng pasyenteng sakay ng nawawalang “Yellow Bee” Helicopter na sa pamangkin nya ang nakuhang kulay “rainbow” na unan.
Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay Lt. Gretch Mary Acuario, PIO ng Philippine Coast Guard, nakuha ang naturagng unan sa 13.64 nautical miles sa Balabac, Palawan.
Maliban sa nasabing debris, una na ring natagpuan ng mga awtoridad ang gas tank sa 4 nautical miles ng Numbukan Island na na may sulat na R404A, ngunit hindi pa umano makumpirma kung mula ito sa nawawalang air ambulance.
Samantala sa gitna ng mga nakitang debris, umaasa pa rin si Acuario na buhay pa ang mga sakay ng Bee”.
Humingi na rin umano ng tulong sa mga professional divers sa bansa upang mapabilis ang operasyon, ngunit sa ngayon hindi pa umano kayang maideploy ang mga divers na walang solidong impormasyon o lokasyon.
Ayon pa sa opisyal, malabo pa ngayon ang imbestigasyon dahil sa kakulangan ng “lead” lalo pa’t ang mga debris na nakuha ay magkalayo ang napagkuhanan, kung saan posible umanong dahil sa paiba-ibang direksyon ng alon na dala ng kasalukuyang nakataas na gale warning sa karagatan ng Palawan.
Sa ngayon nanawagan si Acuario sa publiko partikular na sa mga malalapit na barangay, na agad ipagbigay-alam sa mga awtoridad kung sakaling may makitang posiboleng makapagturo sa lokasyon ng nasabing chopper at maging mga sakay nito.
Kung matatandaan, Marso 1 nang maitala ng Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP) na nawawala ang air ambulance-helicopter na “Yellow Bee” na sakay ang pilotong si Capt. Daniel Lui, isang American Volunteer nurse na si Janelle Alder, at tatlo pang mga pasahero kasama ang isang pasyente.