LEGAZPI CITY – Binigyang diin ng isang transport group na hindi naman nasolusyunan at naayos ng Public Utility Vehicles Modernization Program ang sitwasyon ng transportasyon sa bansa.
Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay National Public Transport Coalition President Ariel Lim, nabawasan ang bilang ng mga pumapasadang public utility vehicles sa mga kalsada, subalit dumami naman ang mga pribadong sasakyan.
Indikasyon ito na imbes mapabuti ang public transportation ay lalong napasama dahil lumalabas na mas lumala ang trapiko partikular na sa Metro Manla
Ayon kay Lim, simula pa lang ito ng mga negatibong resulta kaugnay ng implementasyon ng Public Utility Vehicles consolidaton at marami pa ang pwedeng mangyari.
Nangangahulugan din ang kasalukuyang sitwasyon sa sektor ng transportasyon na hindi handa ang Pilipinas sa tuluyang pagpapatupad ng naturang programa.
Subalit sa kabila nito, hindi pa nawawala ng pag-asa ang grupo na magkaroon ng pag-uusap tungkol sa naturang isyu dahil may ilang mga senador at kongresista ang nagsusulong na magkaroon ng hearing kaugnay sa konsolidasyon ng mga pampublikong sasakyan.