LEGAZPI CITY- Mahigpit na binabantayan ngayon sa Oas Municipal Police Station ang pulis na suspek sa pagpatay sa isang Indian National at barangay kagawad matapos na tangkaing magpakamatay sa pamamagitan ng paglaslas ng pulso sa magkabilang kamay sa loob mismo ng kulungan.
Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay Lt. Karen Formales ang tagapagtaram ng Albay Police Provincial office, kakalabas lamang sa Bicol Regional Training and Teaching Hospital ang suspek na si PCpl Bryan Aguilar na ibinalik na sa kustodiya ng PNP.
Base sa imbestigasyon ng mga otoridad, nilaslas ng suspek ang kanyang pulso gamit ang piraso ng kawayan na mula sa kanyang higaan sa kulungan.
Mabuti na lamang umano at agad na nakita ng mga nakabantay na pulis ang duguan ng suspek na mabilis naman na naitakbo sa ospital.
Sa ngayon, bantay sarado na ang kulungan ng suspek upang hindi na maulit pa ang kaparehong insidente.
Nabatid na nahaharap si Aguilar sa kasong 2 counts ng murder sa pamamaril patay sa Indian national na si Parmindes Singh at Barangay Kagawad Marlon Encabo Rebusquillo noon lamang Enero 21 sa Barangay Maporong, Oas.
Kasong murder naman ang isinampa laban sa kasabwat na kapatid nito na si Raymond Isaac Salanga na nakakulong na rin.