LEGAZPI CITY – Kinumpirma ng pamunuan ng Camarines Norte Police Provincial Office na isang Philippine National Police (PNP) member mula sa lalawigan ang kabilang sa sinasabing “narco-list” o President Rodrigo Roa Duterte list.
Nakasama ito sa listahan ng 357 na pulis na iniuugnay sa transaksyon ng iligal na droga at ipinatawag ng PNP chief.
Sa ekslusibong panayam ng Bombo Radyo kay PCol. Marlon Tejada, provincial director ng CamNorte PPO, “non-officer” umano ang naturang pulis at may ranggong “staff sergeant”.
Aminado si Tejada na ikinalungkot ang pagkakabilang sa listahan ng nasabing pulis lalo pa’t matagal na aniya ito sa serbisyo.
Hindi na rin nagbigay ng iba pang detalye si Tejada ukol dito.
Pinapili naman ni PNP chief PGen. Archie Gamboa ang mga ito sa maagang pagreretiro sa serbisyo habang isinasagawa ang isang buwan na adjudication na maghahayag sa “guilt or innocence” ng mga sangkot.
Nabatid na 15 na rin ang nag-avail ng optional retirement habang 43 ang nag-AWOL (absent without leave).
Ang adjudication ay isang administrative procedure kung saan diringgin ang kaso ng mga rogue police officers ng mismong PNP adjudication boards.
Nilinaw naman ni Gamboa na wala pa ring lusot sa kaso ang mga pulis kung mapapatunayang “guilty” sa pagsangkot sa illegal drugs.