File Photo © Caramoran, Catanduanes

LEGAZPI CITY – Duguan at wala nang buhay ang isang guro nang matagpuan sa loob ng sariling tahanan sa Brgy. Toytoy, Caramoran, Catanduanes.

Nakita ang mga tama ng saksak sa katawan ng biktimang si Mel Rose Baloloy y Trilles, 37.

Dakong alas-11:30 kagabi nang mangyari ang krimen.

Kasalukuyang nakadestino si Baloloy sa Maysuram Elementary School sa kaparehong bayan.

Nagpapatuloy pa ang isinasagawang imbestigasyon ng mga otoridad sa naturang insidente.

Sinasabing dalawang lalaking suspek ang pinaniniwalaang responsable sa krimen habang inaalam na ang pagkakakilanlan ng mga ito.

Nitong Nobyembre 3 lamang nang paslangin rin ang isa pang guro sa Brgy. Valencia, sa bayan ng Virac na kinilalang si Donn Carlos Bagadiong y Borja, 28.

Hawak na sa ngayon ng mga otoridad ang 18-anyos na suspek sa naturang pamamaslang.