LEGAZPI CITY – Nagbaba ng Public Advisory si Cataingan, Masbate Mayor Felipe CabataƱa sa pansamantalang pagsasara ng public offices at pagsuspinde ng trabaho sa loob ng tatlong araw.
Nakapalaman pa sa abiso ang pagsuspinde sa pagpapatupad ng curfew hours mula alas-8:00 ng gabi hanggang alas-5:00 ng umaga habang ipinagbabawal rin ang pagpasok ng mga residente sa mga kongkretong bahay at gusali lalo na kung gabi.
Kaugnay ito ng pangamba na bumagsak ang ilang bahagi ng bahay dahil sa patuloy na nararanasang aftershocks.
Inilabas ang naturang abiso matapos ang paunang assessment ng Engineering Department ng lokal na pamahalaan na tumukoy sa mababang structural integrity sa pribado at pampublikong establisyemento.
Ang naturang bayan ang epicenter ng nangyaring Magnitude 6.6 na lindol kahapon.
Pumalo na sa kabuuang 61 ang napinsalang kabahayan bunsod ng Magnitude 6.6 quake sa Masbate kung saan 26 ang totally damaged houses at 35 ang partially damaged houses.
Nagpapatuloy pa ang isinasagawang pagsusuri ng disaster management team sa ilan pang lugar.