LEGAZPI CITY – Mainit ang naging takbo ng pagtalakay ng pagdinig na bahagi ng isinasagawang congressional inquiry ng House Committee on Dangerous Drugs sa saklaw ng iligal na droga sa lalawigan ng Catanduanes.
Sa pag-uumpisa pa lang ng ocular inspection ng komite sa kinatatayuan ng shabu laboratory sa Brgy. Palta Small, Virac sa naturang lalawigan, nakaramdam na ng pagkainis ang mga mambabatas matapos na pigilang pumasok sa lugar.
Napataas umano ang kilay ni Zamboanga del Norte First District Rep. Seth Jalosjos nang marinig ang ginawang pagpigil ni Catanduanes Prosecutor Mary Jane Zantua sa mga kongresista sa pagpasok sa laboratoryo lalo na’t hindi na umano kinakailangan ng mga ito na humingi pa ng permiso sa local grounds.
Paliwanag naman ni Zantua na sinusunod niya lamang umano ang direktiba sa kanya ng Department of Justice (DoJ) sa pag-presrve ng ebidensya at walang anumang intensiyon na mag-object sa isinasagawang inquiry.
Mistulang napagalitan pa ito nang malamang wala ng jurisdiction sa naturang kaso dahil na nai-turn-over na sa DoJ ang mga kinakailangan dokumento sa pag-iimbestiga.
Nagpalabas pa ng isang video presentation si Catanduanes District Rep. Ceasar Sarmiento kaugnay ng pagkukulang sa pagbabantay at pag-inspeksyon ng mga transport authorities sa mga labas-pasok na mga bagay sa lalawigan kung saan maanghang na komento pa ang nabitiwan ni Committee chair Robert Ace Barbers.
“Philippines is not just the drop-off site (ng drugs), it has become the transhipment of Asia, kaya kailangang paigtingin ang mga batas patungkol dito.”
Nabigla naman ang mga ito sa capability ng naturang shabu lab na makapag-produce ng isa’t kalahating tonelada ng shabu kada linggo na may street value na aabot sa P6 billion.
Sa kabilang dako, sinita naman ng mga ito ang matagal na proseso ng imbestigasyon at pagsasampa ng kaso sa mga indibidwal na sangkot dahil sa kakulangan sa background ng mga ito.
Sa huli, nanawagan ang mismong chairman ng komite na huwag lahukan ng anumang pulitika ang naturang pagsisiyasat.