LEGAZPI CITY – Iginiit ngayon ng provincial government ng Masbate na hindi pinabayaan ang mga Locally Stranded Individuals (LSI) na ilang araw na naantala ang biyahe sa pantalan ng Pio Duran sa Albay bago makauwi.
Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay Masbate Provincial Information Officer Nonielon Bagalihog Jr., kinailangan lamang umano na ihanda ang mga receiving local government units.
Nilinaw rin ng opisyal ang ilang lumabas na impormasyon sa umano’y pagsuspinde ng biyahe ng lahat ng barko sa lalawigan.
Paliwanag ni Bagalihog na nang maitala ang unang dalawang positibong kaso ng coronavirus disease sa Masbate, kinailangan na magpatupad ng safety protocols para sa seguridad ng mga residente.
Isinailalim sa quarantine ang mga tripulante ng dalawang commercial vessels na sinakyan ng mga COVID-19 patient at tanging ang mga ito lamang ang pansamantang nagsuspinde ng biyahe.
Halos dalawang araw rin umano na nag-disinfect sa mga vessels kaya’t kulang ang mga nakabiyahe upang sakyan ng mga pasahero.
Samantala, “business as usual” na umano ang mga commercial vessels na patungo at mula sa lalawigan upang magserbisyo sa mga biyahero.
Samantala, nakabiyahe na rin ang mga LSI kahapon sa tulong ng local at provincial officials sa Masbate.