LEGAZPI CITY – Itinanggi ng Albay Provincial Health Office ang ulat ng umano’y nangyaring food poisoning sa isinasagawang Palarong Panlalawigan sa bayan ng Guinobatan.

Ito’y matapos na magreklamo ang nasa 40 atleta ng pananakit ng tiyan, pagsusuka at diarrhea ng makakain ng pinaniniwalaang hilaw na longganisa at itlog na may amoy na.

Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay Albay Provincial Health Officer Dr. Estella Zenit, kinumpirma nito na may limang estudyante ang nagpacheck up sa Rural Health Office matapos ang insidente at agad naman na nabigyan ng medikal na atensyon.

Nadiskobre na isa sa mga estudyante ay may gastritis habang may urinary tract infection ang isa pa na dahilan ng pananakit ng kanilang tiyan.

Dahil dito, binigyang diin ni Zenit na hindi pa masasabing may food poisoning na nangyari lalo pa’t simpleng sintomas lang ang naranasan ng mga atleta.

Subalit bilang pag-iingat nakipag-usap na ang Provincial Health Office sa caterer ng pagkain sa palaro habang inoobserbahan ang kalagayan ng iba pang mga estudyante na sinasabing nakakain ng sirang pagkain.

Tiniyak naman ni Zenit na may medical team ang ahensya na nakahandang rumesponde sa pangangailangang medikal ng mga kalahok sa Palaro.