LEGAZPI CITY – Desidido ang provincial government ng Albay na magsampa ng kaso laban sa mga turistang iligal na umakyat sa taas ng Bulkang Mayon sa kabila ng mahigpit na pagbabawal ng mga awtoridad.
Kasunod ito ng pagviral ng video ng mga hikers na makikitang nasa itaas ng bahagi ng bulkan na kasalukuyang nasa alert level 1 pa.
Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay Dorothy Colle ang head ng Albay Provincial Tourism and Cultural Affairs Office, delikado ang ginawang pag-akyat ng mga turista lalo’t nananatiling aktibo ang bulkan at may posibilidad na magkaroon ng phreatic erruption anumang oras.
Hindi umano palalampasin ang paglabag kung kaya nakikipag-ugnayan na ngayon ang opisyal sa legal office para sa pagsasampa ng reklamo.
Malinaw umanong nilabag ng mga turista ang provincial ordinance na nagbabawal sa pagpasok sa 6km permanent danger zone lalo’t wala naman itong permit.
Sa ngayon nakikipagtulungan na ang Provincial Tourism and Cultural Affairs Office sa National Bureau of Investigation upang makilala ang nasabing mga turista habang inaalam na rin kung may iba pang tumulong sa mga ito sa pag-akyat.
Panawagan naman ni Colle sa mga turistang nais na bumisita sa Albay na sumunod at irespeto ang mga patakaran na ipinatutupad ng gobyerno na nais lamang na mapangalagaan ang kaligtasan ng publiko.