LEGAZPI CITY—Patuloy ang malawakang protesta ng mga mamamayan ng Indonesia matapos umanong lumabas ang isang dokumentong naglalaman ng allowance na natatanggap ng mga miyembro ng parliamento sa naturang bansa.


Ayon kay Bombo International News Correspondent Jakarta Indonesia Lance Reagan, sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi, inaapela ng mga mamamayan dito na maging patas ang gobyerno dahil sa mababang suweldo ng mga Indonesian kumpara sa allowance na natatanggap ng mga miyembro ng parliament dito.


Dagdag ni Reagan na isa sa pinakamalalang insidente sa kasagsagan ng mga protesta ay ang pagkamatay ng isang motorcycle ride-hailing driver kung saan sinagasaan umano ang mga ito ng police mobile.


Dahil sa insidente, mas tumindi ang panawagan ng mga nagpoprotesta para sa hustisya ng nasabing indibidwal na binawian ng buhay.


Bukod dito, kabilang din sa mga nagprotesta ay ang mga estudyante mula sa iba’t ibang unibersidad ng naturang bansa.


Sinabi rin ni Reagan na ninakawan at sinira ng mga locals ang iba pang ari-arian ng mga opisyal ng gobyerno.


Ganoon din ang pagsunog sa mga tanggapan ng gobyerno na umano’y ikinamatay rin ng iilang indibidwal.


Samantala, wala naman umanong naitalang nadamay na ibang Pilipino sa nangyaring pagpoprotesta.


Dagdag pa niya na ligtas ang kanilang lokasyon, ngunit ang pinaka-delikado aniya sa ngayon ay ang pinakasentro ng Jakarta.


Babala rin ni Reagan sa kanyang mga kapwa Pilipino sa Indonesia na maging mapagmatyag at iwasang lumabas o makilahok sa anumang kaguluhan sa nasabing bansa.