LEGAZPI CITY – Mas hinigpitan na ngayon ng Philippine Statistics Authority (PSA) Bicol ang aplikasyon para sa late registration matapos ang kamakailang naglipanang mga pekeng dokumento ng birth certificates sa Davao del Sur.
Sa ginanap na pulong balitaán, sinabi ni Engr. Cynthia L. Perdiz, Regional Director ng PSA Bicol, nag-isyu umano ang National Statistician at Civil Registrar ng bagong joint memorandum upang amyendahan ang Implementing Rules and Regulations o IRR series of 1993 sa pagitan ng kanilang tanggapan at ng Department of Interior and Local Government (DILG).
Sa ngayon ay nire-require na may personal appearance sa kani-kanilang mga local registrar ang mga indibidwal na 18 taong gulang pataas at kinakailangang magdala ng National ID, dalawang dokumento na magpapatunay ng identidad, birth certificate ng magulang, katibayan kung ang aplikante ay may asawa at kasal, barangay certification, at affidavit for the late registration.
Samantala, kailangan din umano na magpatulong ang mga aplikante sa kani-kanilang mga lokal na gobyerno kung magkaiba ang lugar na tinitirhan at kapanganakan.
Nagpaalala rin si Perdiz na ang kanilang tanggapan na ang mag-i-endorso sa mga Local Civil Registry Office (LCRO) ng mga aplikante upang masiguro na lehitimo ang magiging proseso. Ito’y kasunod na rin ng pangamba ng iilan dahil sa naging kaso ni Mayor Alice Guo ng Bamban, Tarlac.
Samantala, sa kabuuang 114 na LCRO sa rehiyong Bicol ay malugod na ibinahagi ni Perdiz na wala umanong sangay ng kanilang ahensya na sa kasalukuyan ay iniimbestigahan ng National Bureau of Investigation o NBI kaugnay sa pag-isyu ng kwestiyonableng birth certificates.