LEGAZPI CITY – Inaasahan na muling tataas ang produksyon ng niyog sa Bicol region kasabay ng pagpasok ng panahon ng tag-ulan.
Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay Alvin Trespeces, Division Chief ng Philippine Coconut Authority ng Albay at Catanduanes, sinabi nitong nakakatulong ang pag-ulan upang makakuha ng sapat na sustansya ang mga pananim na niyog kung kaya dumarami ang bunga nito.
Dahil dito ay inaasahang tataas rin ang produksyon ng mga produktong mula sa niyog tulad na lamang ng kopra.
Subalit kasabay nito ang inaasahan na pagbaba ng presyo ng kopra na kasalukuyang nasa P34 kada kilo.
Sa kabilang banda, umaasa si Trespeces na hindi maaapektuhan ang mga pananim na mga sama ng panahon na posibleng tumama sa bansa.
Samantala, siniguro naman ng tanggapan na may sapat na suplay ng niyog ang rehiyon na kayang matapatan ang demand ng publiko.