Tumaas ng 50% ang produksyon ng abaca sa lalawigan ng Catanduanes ngayong unang bahagi ng taong 2024.
Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay Bert Lusuegro ang Provincial Fiber Officer ng Philippine Fiber Industry Development Authority Catanduanes, umabot sa 10,000 metric tons ang produksyon ngayong buwan ng Enero hanggang Marso.
Mas mataas ito kumpara sa 7,000 MT na produksyon na naitala noong taong 2023 sa kaparehong panahon.
Ayon kay Lusuegro, isa sa mga dahilan nito ay ang gumaganda nang presyuhan sa mga pampublikong pamilihan.
Malaki rin aniya ang naging kontribution ng matinding init o El niño phenomenon upang makapag-produce ng mas kalidad na abaca fiber o higher fiber grade.
Mas maganda kasi ang kalidad ng abaca fiber na nabibilad sa sikat ng araw kumpara sa mga air-dry na hindi tumatagal at nagkakaroon pa ng discoloration.
Sa ngayon ay tuloy-tuloy na ang pagbangon ng industriya ng abaca sa island province matapos na bumagsak ang demand dahil sa pandemya at giyera sa pagitan ng Ukraine at Russia.
Samantala, wala pa naman aniyang nagiging epekto sa mga abaca farmers ang nararanasang mga pag-ulan sa lalawigan.