LEGAZPI CITY- Inaasahan na ang pagdalo ng maraming mga Pilipino sa isasagawang pagharap ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. sa mga OFW sa Phnom Pehn, Cambodia ngayong darating na Linggo, Nobyembre 13.
Ayon kay Bombo International Correspondent Melanie Lacwayan, ngayon palang marami ng mga Pilipino ang excited ng personal na makita at makausap ang pangulo upang maipaabot ang kanilang mga hinaing.
Kabilang sa idudulog ng mga OFW ang matagal ng problema sa pagkua ng mga employer sa kanilang work permit at ang mababang sahod.
Panawagan din umano ng mga Pilipino na mas mapalakas pa ang suporta ng embahada ng bansa sa mga kababayang nagtatrabaho sa Cambodia.
Nabatid na isasagawa ang aktibidad sa isang hotel kung saan mahigpit ang ipatutupad na seguridad at cellphone lamang ang papayagang maipasok sa venue.