LEGAZPI CITY- Nananatiling mataas ang presyuhan ng karneng baboy sa ilang pamilihan sa lalawigan ng Albay kahit pa ngayong kasagsagan ng obserbasyon ng Semana Santa.
Ayon kay Legazpi City Public Market Meat and Chicken Section President Allen Macam sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi na muling tumaas ang live weight sa P235 kada kilo mula sa P220 kada kilo noong nakalipas na mga buwan.
Dahil dito ay napipilitan umano ang mga meat vendors na magtaas rin ng presyo upang kahit papano ay may kita pa rin sa araw-araw.
Isabay pa aniya ang tumataas na expenses at upa sa kanilang pwesto.
Sa kasalukuyan ay naglalaro sa P380 hanggang P400 ang bentahan ng karneng baboy sa Legazpi City Public Market at mga kalapit pang pamilihan.
Dahil dito, aminado ang opisyal na maraming mga mamimili na ang umaaray dahil sa mataas na presyo.
Dagdag pa ni Macam na naging matumal rin ang bentahan dahil sa naturang suliranin.