LEGAZPI CITY – Nakabantay na anh Department of Trade and Industry sa presyohan ng mga school supplies kaugnay ng nakatakdang pagbabalik klase ngayong Hulyo 29.
Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay Ruben Sombon ang Consumers Protection head ng Department of Trade and Industry Bicol, base sa paglilibot ng kanilang team, wala pa naman na nakikitang pagtaas sa presyohan ng mga school supplies sa rehiyon.
Karamihan sa mga nagbebenta ay nakasunod naman sa inilabas na price guide ng ahensya, habang ang iba ay mas mababa pa ang presyo.
Halimbawa nito ang notebook na nasa P21 hanggang P41 ang price guide subalit mabibili lamang ng P17 hanggang P34 depende sa brand.
Mas mura rin ang presyo ng lapis na nasa P11 ang price guide subalit maaring mabili ng P10 lamang.
Ayon kay Sombon, posibleng magkaroon ng pagtaas sa presyo ng mga school supplies sa pagsisimula na ng klase kung kaya mas maganda kung maaga ng bibili ang mga magulang upang makatipid.