LEGAZPI CITY- Mahigpit ang Bureau of Fisheries and Aquatic Resources sa pagbibigay ng local transport permit para sa mga magba-biyahe ng huling isda.

Ito ay kaugnay pa rin ng pinangangambahang kontaminasyon ng oil spill sa Bataan sa mga isda at shelfish.

Ayon kay Bureau of Fisheries and Aquatic Resources Region 3 Director at Oil Spill spokesperson Director Wilfredo Cruz sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi na araw-araw na ring nagsasagawa ng sensory evaluation ang tanggapan sa mga isda sa Bataan kung saan lumalabas ang mga huli mula sa mga bayan ng Maribeles at Libay ay posibleng kontaminado ng langis.

Dahil dito ay pinag-iingat ang publiko sa pagkain ng mga isda na mula sa mga lugar na naapektuhan ng oil spill.

Samantala, sinabi ni Cruz na sa kasalukuyan ay nakatanggap sila ng mga ulat na bumaba ang presyo ng isda sa Bataan at kalapit na mga bayan dahil sa pagbaba ng demand.

Ito ay dahil marami umano ang nababahala na kumain ng isda kaugnay ng insidente.

Kaugnay nito, inamin ng opisyal na matindi na ang epekto sa kabuhayan ng mga local fisherfolks dahil pansamantalang pinagbawalan ang panghuhuli ng mga ito sa Bataan at kalapit na mga lugar.