LEGAZPI CITY – Bumagsak na ng mahigit sa kalahati ang presyo ng isda sa Bataan, Cavite at mga katabi nitong lugar dahil sa epekto ng oil spill.
Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay Fernando Hicap ang pangulo ng Pambansang Lakas ng Kilusang Mamamalakaya ng Pilipinas, ang lapu-lapu na dating nasa P500 ang kada kilo ngayon ay mabibili na lamang sa halagang P250.
Maging ang dalagang bukid na nasa P200 ang kada kilo ay bumaba na ang presyo at binibili ng mga retailers halagang P70 na lamang.
Ayon kay Hicap, dahil sa oil spill maraming mamimili ang natatakot ng bumili ng isda kung kaya bagsak na ang demand at napipilitan na lamang ang mga mangingisda na ibenta ang kanilang huli sa mas mababang presyo.
Problema ng mga mangingisda ngayon kung saan na kukuha ng kabuhayan lalo’t posibleng abutin pa ng ilang buwan bago maalis ang tumagas na langis sa dagat.
Panawagan ng grupo sa gobyerno na suportahan ang apektadong mga mangingisda at agad na aksyonan ang lalong lumalawak na oil spill na banta hindi lang sa kabuhayan subalit maging sa kalusugan ng mga Pilipino.