LEGAZPI CITY- Naniniwala ang Presidential Task Force on Media Security na walang personal na iringan si Police Lt. Colonel Ralph Jason Vela Cruz Oida ang Chief ng Iriga City Police Station at ang local reporter na si Jose Rizal “Joerez” Pajares, ngunit malinaw na mayroon aniyang may ‘attitude problem’ ang naturang hepe.

Ito ang inihayag ni Under Secretary Paul M. Gutierrez, Presidential Task Force on Media Security Executive Director sa Bombo Radyo Legazpi, matapos na ikulong si Joerez dahil sa isyu ng pagbuklat ng blotter book.

Agosto 2 pa umano nang mangyari ang insidente ngunit Agosto 9 na nang maisapubliko.

Sa naging pakikipag-usap naman ng opisyal sa dalawang kampo, dalawang bersyon ng kwento ang lumalabas, kung saan ayon sa kampo ng mamamahayag ay hawak nya pa lamang ang blotter book at hindi pa nakikita o nababasa ang laman, habang sa kampo ng hepe ay sinabing nakitang nyang hawak at binubuklat na ang naturang blotter book.

Punto pa pulis, na base sa Memorandum Circular Order no. 37 ng Pambansang kapulisan noong 2020 ay tinuturing nilang confidential ang mga impormasyon sa blotter reports sa kabila ng pagiging public document nito.

Ngunit paglilinaw naman ni Gutierrez, maging si Philippine National Police Chief General Benjamin Acorda Jr., hindi nagustuhan ang ipinakita ni Oida dahilan upang i-relieve ito pwesto.