Adrian Loterte

LEGAZPI CITY- Mariing kinondena ng Presidential Task Force on Media Security ang nangyaring pamamaril-patay sa media personality na si Adrian “Golden Boy” Loterte, sa Daraga, Albay.

Matatandaan na nasa loob si Loterte ng bakery nito ng biglang paputukan ng hindi pa nakikilalang suspek, na agad naman na tumakas matapos ang pamamaril.

Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay PTFOMs Executive Director Usec. Jose Torres Jr., sinabi nito na nagpapatuloy ang isinasagawang imbestigasyon ng binuong Special Investigation Task Group upang agad na maaresto ang nasa likod ng krimen.

Sinabi ng opisyal na nakakagalit ang patuloy na karahasan sa mga media personality na itinuturing nitong isang banta sa malayang pamamahayag sa bansa.

Sa kasalukuyan ay tinitingnan ng mga otoridad kung konektado sa trabaho ang naturang pamamaril.
Siniguro naman ng opisyal na siniseryoso nila ang naturang insidente upang matigil na ang mga pag-atake at banta sa mga mamamahayag sa bansa.

Samantala, kasunod ng insidente ay muling ipinaalala ni Torres sa lahat ng media personalities na laging tandaan ang responsable at patas na pamamahayag.