LEGAZPI CITY- Personal na nanood si French President Emmanuel Macron sa Al Bayt Stadium upang ipakita ang suporta nito sa France sa naging laban kontra Morocco sa semi-final match ng FIFA World Cup 2022.

Ayon kay Bombo International Correspondent Dinah Ventanilla na kasalukuyang nasa France, maganda ang ipinapakitang suporta ng pamahalaan sa national team gayundin ang mga mamamayan na labis na nagdiwang sa pagkakapasok nito sa finals.

Inaasam ng mga fans ng France na makukuha nito ang back-to-back championship, sa pagharap sa koponan ng superstar na si Leonel Messi na Argentina.

Nabatid na nagkaroon pa ng iba’t ibang uri ng pagdiriwang ang mga taga-France matapos ang tagumpay nito laban sa Morocco sa score na 2-0.

Samantala bilang tubong Barotac Nuevo, sinabi ni Ventanilla na maraming mga football fans rin sa lalawigan ang naka-antabay sa paghaharap ng dalawang powerhouse team.

Itinuturing aniya ang Barotac bilang football capital of the Philippines kaya maraming mga Pilipino ang sumusubaybay sa World Cup.

Katunayan ayon kay Ventanilla, magkakaroon ng public viewing ang mga residente ng Barotac sa bagong bukas na arena sa lugar upang masaksihan ang inaabangang final match ng FIFA World Cup sa pagitan ng France at Argentina.