LEGAZPI CITY—Nadagdagan ng nasa 300% ang bilang ng mga pasaherong dumarating sa Matnog port sa Matnog, Sorsogon ilang araw bago ang halalan sa Lunes, Mayo 12.
Ayon kay Philippine Ports Authority Port Management Office Bicol Media Relations Officer Achilles Galindes, sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi, mula sa normal na bilang na 2,100 pasahero ay tumaas na ito sa 9,000 simula noong Linggo, Mayo 4.
Dagdag pa ng opisyal, mahaba rin ang pila ng mga sasakyan sa Maharlika Highway bago pumasok sa nasabing pantalan.
Kaya naman, sa kasalukuyan, tinitingnan nila ang kapasidad ng mga barko at patuloy na nananawagan sa mga shipping company na magdagdag pa ng mga barko para matugunan ang lahat ng nagbabiyahe at iba pa.
Tiniyak din aniya ng kanilang ahensya na magiging maayos ang sitwasyon ng mga biyahero para makaboto sila ngayong eleksyon.
Sinabi ni Galindes na humihingi rin sila ng tulong sa pulisya, Philippine Army, at Philippine Coast Guard upang matiyak ang kaligtasan ng mga biyahero.
Samantala, abiso naman nito sa mga pasahero na sundin ang mga alintutunin ng kanilang ahensya at magsumbong sa mga awtoridad sakaling makaranas ng mga ilegal na aktibidad sa nasabing pantalan.