LEGAZPI CITY- Nagpahayag ng pagkadismaya ang election watchdog na Kontra Daya sa hindi parin naipapalabas na desisyon ng COMELEC sa disqualification case laban kay dating dating Senador Bongbong Marcos at ang mga expose ni Commissioner Rowena Guanzon.
Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay Professor Danny Arao ang Convenor ng Kontra Daya, nakakapangamba kung totoo man ang pahayag ni Guanzon na isang senador ang nakakaimpluwensya sa first division ng COMELEC kung kaya hindi pa rin naipapalabas ang desisyon.
Aminado si Arao na makakaapekto ito sa integridad ng eleksyon lalo pa’t hindi maaring makialam ang opisyal sa lehislatura sa trabaho ng independent commission kagaya ng COMELEC.
Hiling ng election watchdog na maimbestigahan na ang isyu at maipalabas na sa lalong madaling panahon ang desisyon lalo pa at marami pang proseso ang pagdadaanan habang papalapit na ang botohan sa Mayo 9.
Nabatid na Enero 17 pa naitakdang ipalabas ang desisyon sa disqualification case subalit hindi pa rin ito naisasapinal dahilan upang magbanta na si Guanzon na papangalanan ngayong araw ang nasabing senador.