LEGAZPI CITY- Nananatiling mababa ang mga volcanic acitivities na naitatala sa bulkang Mayon, base sa mga nakitang parametro ng Philippine Institute of Volcanology and Seismogoly (PHIVOLCS).
Ngunit sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay PHIVOLCS resident volcanologist, Dr. Paul Alanis, nasa 93 na rockfall events ang naitala kung saan tatlo ang nagresulta sa uson at dalawang volcanic earthquakes.
Samantala dahil sa paparating na sama ng panahon, patuloy ang pagbibigay-abiso ng ahensya partikular na sa mga lugar na nasa Mi-isi, Binaan, Anoling, Quirangay, Maninila, Masarawag, Muladbucad, Nasisi, Mabinit, Matan-ag, at Basud Channels na posibleng daanan ng lahar.
Kaugnay nito, sinabi ni Alanis na mayroong posibleng lahar flow na na-detect ang kanilang instrumento sa bahagi ng Anoling.
Pagbibigay-diin ng opisyal, maliban sa nasa 16-18 million million cubic meters na deposito na inilabas ng bulkan sa buong durasyon ng pag-aalburoto, sakaling lumakas ang pag-uulan, maging ang mga dating o lumang volcanic materails ay posibleng maging dahilan din ng lahar.
Samantala dahil sa sitwasyon, patuloy na inaabisuhan ng ahensya ang mga residente na maging alerto lalo na ang mga nabanggit na river channels at maghanda sa posibleng pagpapalikas.