LEGAZPI CITY – Mariing nanawagan ang Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS) sa publiko na dapat wala ng nananatili sa loob ng 6km radius permanent danger zone ng Bulkang Mayon.
Ito ay matapos maitala na kabagi ang lava flow mula sa bunganga ng bulkan na nagsimula pasado alas-7:00.
Natipon ang mga deposito nito sa loob ng 500 meters ng Bonga at Miisi Gullies.
Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay PHIVOLCS resident volcanologist Dr. Paul Alanis, batay sa pinakahuling datos nakapagtala na kahapon ng 3 volcanic earthquakes at 115 rockfall events.
Maliban dito, nakita rin ang pagdausdos ng mga Pyroclastic Density Flow mula sa lava dome at inaasahan na rin ang tuloy-tuloy na lava flow hanggang sa mga susunod na araw.
Sinabi pa ni Alanis na hanggang sa ngayon ay hindi pa matiyak kung ano ang susunod na magiging aktibidad ng bulkan.
Sa kasalukuyan, silent eruption pa lamang ang nakikita sa Mayon dahil wala pang mga naitatalang mga explosive erruption, subalit nasa 50% ang posibilidad na magkaroon ng major eruption.
Dagdag pa ni Alanis, dahil sa nakitang pagtaas ng sulfur dioxide, malaki ang posibilidad ng pagkakaroon ng mga bagong lava dome sa bunganga ng bulkan.
Samantala, dahil sa nararanasang mga panaka-nakang mga pag-ulan sa lalawigan, hindi inaalis ng tanggapan ang posibilidad na magkaroon ng lahar flow lalo pa’t patuloy na dumadami ang mga inilalabas na volcanic materials ng bulkan.