LEGAZPI CITY – Inihayag ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS) na mababa na ang posibilidad na magkaroon ng ‘explosive eruption’ ang bulkang Mayon.

Kasunod ito ng pagbaba na ng bilang ng mga naitatalang aktibidad ng bulkan.

Subalit paglilinaw ni Philippine Institute of Volcanology and Seismology Resident Volcanologist Dr. Paul Alanis sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi, hindi pa rin inaalis ang tsansa ng pagsabog dahl may mga naitatala pa rin na mga parametro sa Mayon.

Kabilang na rito ang tuloy-tuloy ngunit mahinang pagdaloy ng lava, rockfall events, volcanic earthquakes, sulfur dioxide emission at iba pa.

Ito rin ang dahilan kung bakit hindi pa ibinababa ang alert level ng bulkan na nananatiling nasa alert level 3.

Una nang inihayag ng ahensya na posibleng dalawang linggo pa ang kinakailangan na obserbasyon sa bulkan bago malaman kung maaari ng ibaba ang alert status.

Inabisuhan din ni Alanis ang publiko na sa kabila ng pagbaba na ng mga naitatalang aktibidad ng bulkan, mahigpit pa rin na ipinagbabawal ang pagpasok sa 6km permanent danger zone.