LEGAZPI CITY – Binigyang diin ng isang Political Analyst na kailangang baguhin ang sistema ng politika sa Pilipinas upang hindi naaabuso ang substitution o Section 77 ng Omnibus Election Code.

Ayon kay Dr. Christian Bryan Bustamante, Administrator, Dean at Professor ng College of Arts and Sciences, San Beda University sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi, isa sa mga dapat ayusin ay ang political parties dahil malinaw na nasaksihan sa kasalukuyan na maaaring maging miyembro ang isang politiko ng partido anumang oras.

Aniya dapat na maging strikto pagdating sa membership ng mga partido.

Malinaw rin aniya na minsan ang membership sa isang partido ay hindi dahil sa idolohiya o prinsipyo kundi sa pagkakaibigan.

Para kay Bustamante, isa ito sa mga nagiging dahilan kung bakit ang political party sa bansa ay nakatutok na ngayon sa mga personalidad at balwarte.

Subalit hindi naman aniya masisisi ang mga aspirants dahil wala namang batas na magpaparusa sa isang kandidato kapag lumipat sa ibang partido.