LEGAZPI CITY- Naniniwala ang isang political analyst na tila naging vulnerable sa disinformation ang mga Pilipino dahil sa pagtatago ng pamahalaan ng impormasyon hinggil sa natanggap na arrest warrant laban kay dating Pangulong Rodrigo Duterte.
Ayon kay Atty. Michael Henry Yusingco sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi na hindi maganda para sa panig ng pamahalaan na mayroong itinatagong impormasyon na hindi alam ng mga Pilipino.
Aminado rin ito na tila hindi nasunod ang proseso na nakasaad sa Rome Statute kung saan oras na makatanggap ng warrant of arrest ang custodial state ay kinakailangan itong ihatid sa isang competent judicial authority.
Ito ay upang mabigyan ng pagkakataon ang isang akusado na sumuko o makalaya pansamantala.
Aniya, dapat pa ring sagutin ng pamahalaan kung bakit minadali ang proseso at pagbiyahe kay dating Pangulong Duterte patungo sa Netherlands upang hindi na mapigilan pa ng temporary restraining order ang pag-alis nito.
Dagdag pa ni Yusingco na hindi rin sigurado sa ngayon kung kaya pang ma-execute ang isang habeas corpus mula sa Korte Suprema dahil ang batas na ng International Criminal Court ang gumuhulong sa The Hague at labas na ito sa hurisdiksyon ng kataas taasang hukuman ng Pilipinas.
Samantala, naniniwala naman ito na nakikipag ugnayan ang pamahalaan sa International Criminal Court sa pamamagitan ng Interpol, na taliwas sa pahayag ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.