LEGAZPI CITY- Naging kuntento ang isang political analyst sa naging laman ng State of the Nation Address ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
Ayon kay Professor Brian Uy Doce na kasalukuyang nag-aaral sa Indo-Pacific Research Centre sa Murdoch University sa Australia sa naging panayam ng Bombo Radyo Legazpi na mahalagang natalakay ang hinggil sa plano ng pamahalaan sa food security at inflation.
Ito umano ang nais na marinig ng mga Pilipino gayundin ang pagpapababa sa presyo ng pangunahing mga bilihin.
Pinuri rin nito ang paninindigan ni Pangulong Marcos sa pagiit sa karapatan ng bansa sa West Philippine Sea at tuluyang pag-ban sa Philippine Offshore Gaming Operator (POGOs) sa bansa.
Napapanahon lamang aniya ang naturang hakbang lalo pa na maging ang China ay ipinagbabawal na rin ang iligal na mga sugal.
Subalit aminado si Doce na dapat na mas natutukan pa sana ng pangulo ang patungkol sa mga hakbang ng bansa sa paglaban sa illicit trade o iligal na mga negosyo at kalakalan sa bansa.
Paliwanag nito na magbibigay sana ito ng kumpiyansa sa mga mamumuhunan na ginagawa ng Pilipinas ang lahat upang masiguro na ligtas ang pera ng mga investors.
Ito umano ang isa sa magiging daan upang gumanda pa ang lagay ng ekonomiya na magdadala rin ng hanapbuhay sa mga Pilipino.