LEGAZPI CITY- Ipinaliwanag ng isang political analyst ang pagdududa ng ilan kaugnay ng pagpayag umano ng korte na makapag piyansa si Vice President Sara Duterte kahit pa araw ng Sabado.
Ito ay kasunod ng paglagak ng piyansa ng pangalawang pangulo sa Quezon City Regional Trial Court nitong weekend, kaugnay ng kasong grave threats.
Ayon kay Prof. Froilan Calilung sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi na mayroong mga skeletal workforce ang karamihan sa mga korte lalo na ang malalaking Regional Trial Court tulad ng Quezon City.
Maaari umanong gawin ang kaparehong hakbang basta mayroong available na personnel na maaaring tumanggap ng piyansa.
Katunayan, sa nakalipas na mga taon aniya may mga ordinaryong mamamayan na ang nakapag bayad ng piyansa kahit pa araw ng Sabado, subalit madalas na hindi ito nai-entertain kaya umaabot ng Lunes, tulad ng nakasanayan ng mga nasasampahan ng kaso.
Samantala, sinabi pa ni Calilung na tila mas mahalaga sa ngayon ay pag-usapan kung bakit may kinakaharap na kaso ang pangalawang pangulo kahit pa may umiiral na impeachment trial.











